Recent Searches Clear All
News
    September 16, 2025

Kuwento at Kultura: Makulay na Pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Literary Week sa Isidore

Sa masigla at makulay na selebrasyon, ipinagdiwang ng Isidore de Seville Integrated School ang Buwan ng Wika at Literary Week 2025 na nagbigay-diin sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Ang mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan ay nagsuot ng kani-kanilang tradisyunal na kasuotang Pilipino na lalong nagbigay ng damdamin ng pagmamahal sa sariling wika at kultura.
Sinimulan ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Mathea Alexa D. Enriquez mula sa 4-Hopper, kasunod ang pag-awit ng Lupang Hinirang na pinangunahan ni Erudite Chalice Alindato mula sa 5-Atanasoff.
Nagbigay naman ng makabuluhang pagbubukas ng programa sina Athacia Grace B. Urizza at Chloe J. Gaspar, mga piling mag-aaral mula sa ika-anim na pangkat. Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang espesyal na pagtatanghal ng mga gurong sina Bb. Mary Ann Nicole B. Matic at G. Rein Teodoro na nagpamalas ng galing at talento sa pag-awit.

Nagkaroon din ng iba’t ibang aktibidad ang mga mag-aaral na tumutugma sa tema ng pagdiriwang. Isa sa pinakakaabangang karanasan ay ang “Pilipinas sa Isang Silid”, isang silid na puno ng mga tanawin, kultura, kasaysayan, at simbolo ng ating bansa. Sa pagbisita rito, higit na naunawaan at napahalagahan ng mga mag-aaral ang yaman ng ating lahi at kulturang Pilipino.
Bukod sa mga pagtatanghal, paligsahan, at mga makabuluhang aktibidad, nagkaroon din ng masarap na karanasan ang mga mag-aaral sa pagtikim ng iba’t ibang kakanin mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ang pagkilala at pagtikim sa mga pagkaing ito ay nagmulat sa mga Isidorean sa mayamang kultura nating mga Pilipino.
Naging bahagi rin ng makabuluhang araw ng mga mag-aaral ang pagiging bahagi ng “Book Fair” kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na bumili ng mga librong pambata, at mahikayat ang pagmamahal sa pagbabasa.
Ang matagumpay na selebrasyon ay hindi maisasakatuparan kung wala ang sipag at dedikasyon ng mga tagapag-ugnay ng programa na sina Bb. Patricia Coleen Cortez at Bb. Ellaine Cruz, na buong pusong nagplano at nag-organisa ng mga gawain para sa lahat ng mag-aaral.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Literary Week 2025 sa Isidore ay tunay na naging makulay, makahulugan, at makasaysayan, isang paalala na ang wika at kultura ay mahalagang sandigan sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Popular Tags

Share

You may also like these articles